PAGPAPANUMBALIK NG PAGPAPAHALAGA SA MGA SAKRAMENTO NG PAGPAPAGALING I ANG KATURUAN A. Panimula “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak…” (Juan 3:16) Hangad Niya na manatili tayo sa Kanyang pag-ibig na sagana sa awa at habag. Kahit na tayo’y nagkakasala, hinahanap at hinihintay niya ang ating pagbabalik-loob upang tamasahin ang kaloob Niyang pagpapagaling at paghilom. Nagpapagaling ang mga Sakramento sa kanilang iba’t-ibang paraan. Ang Sakramento ng Binyag ay nagpapagaling sa ating “sakit na mana” at ang Sakramento ng Kumpil sa ating takot na maging saksi ni Jesus. Ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya naman ay nagpapagaling sa ating pagkagutom at pagka-uhaw sa isang buhay na ganap. Ang Sakramento ng Pag-iisang Dibdib ay nagpapagaling sa ating pagkamakasarili. Samantalang ang Sakramento ng Banal na Orden ay nagdudulot ng kagalingan sa ating paghahangad na magkaisa. Ngunit dalawa sa mga Sakramento ng simbahan ay nagpapagaling sa natatanging paraan, ang Sakramento ng Pagbabalik-loob at ang Sakramento ng Pagpapahid ng Langis sa Maysakit. Nakalulungkot na hanggang ngayon ang dalawang Sakramentong nabanggit ay kinakahiyaan na lapitan kundi man kinatatakutan dahil sa mga maling paniniwalang nakakakabit sa kanila. Ang pagtawag sa Sakramento ng Pagbabalik-loob, bilang Sakramento ng kumpisal lamang ay nagdudulot ng kaba at kahihiyan sa mga mananampalataya. Samantala, nakilala naman ang Sakramento ng Pagpapahid ng Langis sa Maysakit bilang “huling ritu,” ang sakramento para sa mga naghihingalo. Dulot ng mga pagbabagong hatid ng Ikalawang Konsilyo Vaticano, pinalalawak at pinapanibago ang ating pag-unawa sa mga Sakramentong ito. Dahil sa mga pagbabagong hatid, itinatakda ang mga sakramento bilang mga sakramentong nagpapagaling. B. Ang Sakramento ng Pagbabalik-Loob Sa pasimula ng ministeryo ni Jesus, ipinahayag Niya bilang mahalagang bahagi ng pagdatal ng Kaharian ng Diyos ang pagsisisi sa mga kasalanan, “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos: Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito.” (Marcos 1: 15) Sa pagpapapahayag ng anghel ng Diyos Siya ay pinangalanang Jesus sapagkat sa Kanya ay iniatang ang misyon upang iligtas ang bayang Israel sa kanilang mga kasalanan (Mateo 1:21). Ang Ministeryo ng pagpapagaling ni Jesus, ang tawag upang magbalik-loob at makipagkasundo, ay nasa gitna ng Kanyang pagpapahayag ng Mabuting Balita. Ngunit batid ni Kristo na dahil sa kasalanan at kahinaan ng tao pati na ang mga binyagan ay nahihiwalay sa Kanyang pagmamahal. Dahil sa kasalanan ay napuputol ang taling bumibigkis sa ating pakikipagkaibigan sa Diyos. (Reconciliationem 2) Kaya nga binigyan Niya ang mga Apostol ng kapangyarihan ng Espiritu Santo upang ihatid ang pagpapagaling ng Diyos at ang kapatawaran ng kasalanan pagkatapos ng Binyag. (Juan 20: 21 - 23) Samakatuwid ipinagkaloob ng Kristong muling nabuhay ang Ministeryo ng pagpapagaling at pagbabalik-loob sa Kaniyang simbahan sa pamamagitan ng mga apostol. Sa Mabuting Balita sinabi ni Jesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo Ako ng Ama gayon din naman, sinusugo Ko Kayo.” Sinugo Niya sila at ibinigay ang Espiritu Santo upang ang patawarin ng mga Apostol sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga. Kaya sa Aklat ng Gawa ng mga Apostol, pagkatapos mapuspos ng Banal na Espiritu ang mga Apostol ay nagsimula si Pedro sa pagpapahayag ng Mabuting Balita: “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at magpabinyag kayo sa pangalan ni Jesus-Kristo upang kayo’y patawarain at ipagkaloob sa inyo ang Espiritu Santo.” (Gawa 2 : 38) Pagpapanibago ng Pag-unawa sa Kasalanan “Ano ang kasalanan?” Sa isang payak na pag-unawa, ang kasalanan ay paglabag sa kalooban ng Diyos at batas ng mga institusyong pinamamahalaan ng tao. Ngunit, batid natin na higit sa mga batas, ang isang kilos ay maaring “moral” o hindi “moral”. Maaring ang isang kilos o gawa ay ayon o hindi labag sa batas, ngunit labag naman sa kalooban ng Diyos at labag din naman sa tinig ng budhi. Samakatuwid, kung ang kasalanan ay ang basta-hindi-pagsunod sa batas, marami sa mga di-moral na gawain, kung wala din lamang sinasalungat na batas ay hindi maituturing na kasalanan. Ang kasalanan ay higit at mas malalim pa sa basta-na-lamang hindi pagsunod sa anumang batas. Hindi maaring ipikit ang ating mga mata sa katotohanang ito kung ang ating nais ay antigin at papanibaguhin ang ating pag-unawa sa Sakramento ng Pagbabalik-Loob. Habang yumayaman ang ating pag-unawa tungkol sa kasalanan ay umuunlad din ating pagtatangi sa Sakramento ng Pagbabalik-loob. Sa Katesismo para sa mga Pilipinong Katoliko ay tinalakay ang katangiang likas, balangkas at, antas ng kasalanan: Katangiang Likas: Ang kasalanan bilang katotohanang moral ay isang asal, pagkilos o di pagkilos kapangyarihan o lakas na naghahatid sa atin sa kasamaan. Inihihiwalay tayo, inilalayo tayo ng sala sa ating sarili (pagkatao), sa kapwa (kapwa tao), sa pamayanan (panlipunan), sa kalikasan at sa Diyos. (NCDP 259-63) Ang tunay na kasalanan ay nakasasakit sa atin at sa ating mga minamahal. (KPK 1803) Balangkas: Ang kasalanan ay laging personal ngunit kailanman ay hindi pribado o pansariling pagkakamali lamang. Anumang kasalanan na ginagawa ng tao ay laging nakakaapekto sa ating kapwa. Anumang kasalanan ay laging nakasasama sa pamayanan. Hindi maihihiwalay ang panglipunang bunga ng kasalanang personal. Anumang personal na kasalanan ay nagpapatatag sa panlipunan at pang-istrukturang kasalanan. Ang Panlipunang kasalanan ay tumutukoy sa mga negatibong moral na pananaw at mga pagkilos o di-pagkilos sa isang pamayanan o tukoy na lipunan. Ang lunas ay pagbabago ng pagkilos ng pamayanan tungo sa kung ano ang positibo at mabiyaya. Ang pang-istrukturang kasalanan ay mga umiiral na istrukturang humuhubog sa lipunan sa paraang nakasasama at di makatarungan para sa lahat. Kaya nga dapat itong ikumpisal nang di-pahapyaw lamang, at ungkatin ang mga ugat ng kasalanan sa ating buhay, tulad ng pagkamakasarili at kapalaluan. (KPK 1803) Antas: Ang kasalanan ay maaaring ‘di-nakamamatay’ (benyal) o ‘nakamamatay’ (mortal). Ayon sa Tradisyon, ang kasalanan ay tinatawag na ‘nakamamatay’ kapag ang katangiang likas, intensiyon at mga kapaligiran ay nasasangkot sa isang bagay na mabigat, may sapat na kaalaman at may buong pagsang-ayon ng kalooban. Ang mga ito ay dapat naroroon upang ang pagsuway ay maging ganap na kasalanan. Tinatawag silang mortal sapagkat pinupuksa nito ang pangkalahatang anyo ng pag-ibig sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ang isang tao ay malayang tumatalikod sa Diyos, sa kanyang batas, sa tipan ng pag-ibig na inaalok ng Diyos, pinipili Niya na bumaling lamang sa sarili o sa isang nilalang na may hangganan o sa isang labag sa kalooban ng Diyos (Reconciliatio et Poenitentia 17). Kailangang ikumpisal ang ganitong mga kasalanan sa sakramento ng Kumpisal. (CJC 988.1; 989) (KPK 1806) Ang mga kasalanang tinatawag na benyal (mula sa “venia”, patawad o kapatawaran) ay mga salang maaring ‘ipaumanhin na hindi kasangkot ang pangkaloobang kalayaan ng isang tao o naghahatid sa kamatayang “espirituwal”. Sinasaktan ng mga kasalanang benyal ang ating ugnayan sa Diyos at sa kapwa sa pamamagitan ng pagpapahina ng ating marubdob na buhay ng pagmamahal, at maaring maghatid nang dahan-dahan sa kasalanang mortal. Ang kasalanang benyal kapag nakasanayan ay maaaring maghahatid ng dahan-dahan sa kasalanang mortal. (KPK 1807) Bilang Katoliko, tungkulin natin ikumpisal ang lahat ng ating mga kasalanang mortal na nagawa, pagkatapos ng Binyag at hinihikayat na ikumpisal din ang mga kasalanang benyal (CJC 988). Ang madalas na pangungumpisal ay isang mahalagang paraan sa patuloy na pagbabalik-loob, isang proseso ng pagpapalinaw at pagpapadalisay sa ating isipan at puso, upang maitaguyod ang tunay pag-unlad ng ating buhay espirituwal. (KPK 1809) Kung lalagumin ang kalikasan, balangkas at antas ng kasalanan, ang kasalanan ay ang paglabag sa kalooban ng Diyos at pananakit sa kapwa at sa ating sarili. Dahil sa kasalanan ay napuputol ang ating ugnayan sa Diyos Ama, kay Jesus na ating Tagapagligtas, at sa Banal na Espiritu ang ating kaibigan. (PCP II 81) Sa antas ng ating pakikipag-ugnayan sa kapwa ang kasalanan ay nagdudulot ng pagkakasamaan ng loob na sumisira sa pagkakaibigan. Dahil sa kasalanan sinasaktan natin hindi pati lamang ang katawan kung hindi ang kalooban ng ating kapwa-tao. Sa antas ng ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, ang kasalanan ay pag-“HINDI”, paglayo, at pagsalungat sa kalooban ng Mapagmahal na Ama. Sa ganitong kaliwanagan, ang pagsisisi sa kasalanang ating ginawa ay ang panimulang pagbubuong muli ng mga nasirang ugnayan sa Diyos, sa kapwa at sa sarili. Bunga ng pagpapatawad na tinanggap sa sakramento at pagpapatawad sa isa’t-isa, tayo ay muling nakikipagkasundo sa Diyos, sa ating kapwa at sa ating sarili. Sa ating pakikipagkasundo ay pinaghihilom natin ang mga nasugatang kalooban at ibinabalik natin ang pagtitiwala at pagsunod sa Kalooban ng Diyos. Ang pakikipagkasundo nga ay pagbabalik-loob. Pagdiriwang ng Sakramento Ang bagong pagka-unawa sa Sakramento ng Pakikipagkasundo ay higit ngayong pangsambayanan hindi na pansarili lamang; higit na nakatuon sa relasyon – pagmamahal hindi na makabatas lamang; higit na nagbibigay-pansin sa proseso ng pagbabalik-loob, hindi na pagdulog lamang sa pagkukumpisal. Nakatuon ito sa pangangailangan ng patuloy na pagbabago ng puso at ng pamumuhay dahil mahal tayo ng Diyos. Ang Sakramento ng Pagbabalik-loob ay nagtatampok ng apat na kilos, kung saan tatlo dito ay tumutukoy sa tatlong gawain na nararapat para sa nagbabalik-loob: a. Pagsisisi o taos-pusong pamimighati; b. Pagkukumpisal ng lahat ng mabigat/mortal na sala sa pari; c. Pagbabayad-puri sa mga salang nagawa o pag-ayos ng pinsalang nagawa, at matibay na pagtitika at pagbabagong- buhay; d. Sa bahagi ng pari, higit sa pag-aatang ng penitensiya at payo sa nagbabalik- loob, ang kinakailangang gawain ng pari ay ang “absolusyon” na siyang mabisang tanda ng kapatawaran ng Diyos. Iminumungkahi ng bagong ritu ang pinakamainam na pagdiriwang ng sakramento na kahit hindi masusunod sa lahat ng pagkakataon ay naglalahad pa rin ng mga katangian ng pagpapanibagong buhay. (MS 15 - 20) a. Paghahanda sa pananalangin ng pari at magkukumpisal; b. Maalab na pagtanggap ng pari sa magkukumpisal ng pari c. Pagbasa sa Banal na Kasulatan; d. Pagkukumpisal; e. Pagtanggap ng pagbabayad-puri at payo ng pari f. Panalangin ng Pagsisisi g. Paggawad ng Absolusyon
C. PAGPAPAHID NG LANGIS SA MAYSAKIT Kahulugan at Kahalagahan Sa Banal na Kasulatan, malawak ang pag-unawa na ang karamdaman ay malalim na naka-ugat sa kasalanan. Sa Ebanghelyo ni San Mateo ay nagtanong ang mga alagad, “Rabi, sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya o ang kanyang mga magulang?” (Mateo 8:17) Hindi naiiba sa pagtinging ito ang mga Pilipino. Tuwiran pa rin nating ini-uugnay ang karamdaman sa personal na kasalanan. Bagamat totoo na hindi tama na tuwirang iugnay ang karamdaman sa kasalanan, totoo din naman na ang karamdman ay konkretong tanda nang higit na malalim at malawak na espirituwal na kasamaan sa mundo. (KPK 1826) Kaya nga bahagi ng Ministeryo ni Jesus at kaakibat ng Kanyang pagpapatawad ng kasalanan ay ang pagpapagaling sa mga may karamdaman. Ang Kanyang pagpapagaling ay isang mukha ng paggapi sa kasamaan ng mundo at tanda ng pagdatal ng Kaharian ng Diyos. Ang Sakramento ng Pagpapahid ng Langis sa Maysakit ay naghahatid sa sinumang tumatanggap nito sa “maawain at mapagmahal na pagpapagaling ni Kristo sa mga nagbabata ng malubhang karamdaman.” (KPK 1822) Ito ay pagpapatuloy ng pagmamahal at habag ng Panginoon sa mga may karamdaman. Ang pagpapagaling na dulot ng sakramento ay wala sa simpleng antas ng “medicinal” na panggagamot. Ang pagpapagaling ay pagpapanumbalik sa walang kapintasang kalagayan ng buong katauhan- ang espiritu, kaluluwa, at katawan. (1 Tes 5: 23b). Layunin ng pagpapagaling na dulot ng sakramento ang tulungan ang tao na maabot ang ganap na kakayanan sa harap ng Diyos at kapwa. (KPK 1882-2) Ang Sakramento ay nagkakaloob ng biyaya upang: a. Iugnay ang paghihirap ng maykaramdaman sa pagdurusa ng Panginoon, b. Bigyang-lakas, tapang at kapayapaan na batahin ang anumang sakit bunga ng karamdaman o katandaan, c. Patawarin ang lahat ng kasalanang sanhi ng kalumbayan na hindi pa naikukumpisal, d. Magkaminsan, panunumbalikin ang kalusugan kung naayon sa kaligtasan ng maysakit, at e. Naghahanda sa maysakit sa paglipat sa kabilang buhay. Ang sino mang nasa bingit ng kamatayan o katandaan ay maaring tumanggap ng sakramento. Maaari ring tumanggap kung: a. sasailalim sa maselang operasyon (HD 10) b. ang tumanggap na bunga ng karamdaman at gumaling, ay maaaring tumanggap muli bunga ng katandaan o iba namang karamdaman; (HD 11) at c. mas lumala ang karamdaman ng may maysakit na tumanggap na ng sakramento. (HD 9) Ang Pagdiriwang ng Sakramento Ang Bagong Ritu ng Pagpapahid ng Langis ay nagbibigay sa maysakit ng biyaya ng Espiritu Santo na naghahatid ng kalusugan sa kanyang buong pagkatao, nagpapatibay sa kanyang tiwala sa Diyos at lakas upang paglabanan ang mga tukso ng kasamaan, at pagkabalisa sa kamatayan. (CCC 1520) Kung minsan bumabalik ang kalusugang pisikal pagkatapos makatanggap ng sakramento kung nakatutulong ito sa kaligtasan ng maysakit. Kung kailangan, inihahandog ng sakramento ang kapatawaran ng kasalanan sa maysakit at binubuo ang nakaliligtas na pagsisisi. Nagaganap ang mga epektong ito sa pakikiisa ng maysakit sa pagpapakasakit at kamatayan ng pinaka-unang sakramento, si Kristong nagpapagaling. (Roma 8:17) Bukod sa pambungad na pagbati at ritu ng pagsisisi katulad ng ginagamit sa Misa, ang Sakramento ay binubuo ng tatlong magkakaibang kilos (HD 5): a. Panalangin ng Pananampalataya: Ang sambayanang kinakatawan ng pari, pamilya, mga kaibigan, at iba pa ay mananalangin para sa papahiran ng langis. b. Pagpapatong ng kamay; ayon na rin sa halimbawa ni Kristo tuwing siya ay nagpapagaling sa maysakit, at ang panawagan upang pumanaog ang Espiritu Santo na naghahatid ng pagbabasbas ng Pagpapagaling bilang biyaya ng Diyos sa taong maysakit. c. Pagpapahid ng langis, na pinababanal sa pagbabasbas ng Diyos, na sumasagisag sa pagpapagaling na buhat sa Espiritu, kasabay ang angkop na panalangin. Ang Tagapagdiwang ng Sakramento ng pagpapahid ng langis ay tanging mga inordenahang pari lamang. (CJC 1003) Sa Sulat ni Santiago inihabilin ang pagpapatuloy ng Ministeryo ng pagpapagaling ni Jesus sa mga pari at obispo, “Mayroon bang maysakit sa inyo? Ipatawag ang matatanda ng Simbahan upang ipanalangin siya at pahiran ng langis sa ngalang Panginoon. At pagagalingin ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya. Ibabangon siya ng Panginoon, at patatawarin kung siya’y nagkasala”. (Santiago 5:14 -15) Sa kabilang panig naman, hindi maihihiwalay ang bawat sakramento sa pangsambayanan o panlipunang mukha nito. Karapat-dapat lamang na ang bawat mananampalataya ay maki-isa sa makabuluhang ministeryo para sa mga maysakit. Sa ganitong paraan, hindi lamang naipaparamdam sa may-sakit na ang kanilang paghihirap ay kaugnay sa pagpapakasakit ni Kristo, kundi tumatanggap din ng paghihilom ang mga kaanak ng maysakit. |
||